Nang sumikat ang bukang liwayway,
Isinilang ako at minahal mo ng tunay.
Nang dumating ang takipsilim,
Ako'y natulog ng mahimbing dahil sa 'yong pagtiis sa mga gabi mong madilim.
Hinugis mo ang matatag kong puso sa loob ng siyam na buwan,
Binuo mo ang aking matalinghagang karunungan na nagmana sa iyong kakayahan.
Akay-akay sa iyong banayad na mga kamay,
Ako'y humikab sa kapanatagan dahil sa damdaming matiwasay.
Masidhing napaiyak nang hindi ka maramdaman,
Sa isang sanggol na walang ibang dinadamdam.
Ako'y iyong tinugunan nang yakap at halik,
Damdamin ko'y napanatag at napahilik.
Ako'y nagkamulat at natutong magmahal,
Sa isang babaeng katulad mong pinagpala ng may kapal.
Isang musmos na bata,
Hanap-hanap ang ina sa tuwing ito'y hindi makita.
Ako'y iyong pinagsalitaan at nalungkot sa iyong binitawang mga bilin,
Sa isang ina na may prinsipyo at tuntunin.
Isang inosenteng bata na gustong maglaro,
Sa mundo na puno ng mga bagay-bagay at hindi klaro.
Ako'y iyong pinagalitan at sumasagot na sa iyong mga litanya,
Sa isang katulad mong punahin ang aking mga kamalian at manghiya.
Isang batang nagdadalaga,
Sa tahanang binuo mo at ng aking ama.
Nagbago ang ating pinagsamahan at malasakit,
Naging pabigat ako at ika'y mahigpit.
Nalulungkot sa tuwing nakikita kang malumbay,
Dahil sa mga sakripisyo at prinsipyo para sa aking buhay.
Sa paggamit ng matalinghagang kaalaman na binuo ng iyong kakayahan,
Handog ko ang mga salita at kaisipan na nagpabuo sa tulang nakayanan.
Sa paggamit ng hinugis mong matatag na puso,
Buong puso kong inaalay ang damdamin na pagmamahal na itinitibok.
Salamat sa nag-iisang babae sa aking buhay,
Hanggang langit ang aking kasiyahan at tagumpay.
Babaeng ilaw ng aking kapakanan at kinabukasan,
Isang ina na kabiyak ng aking pagkatao hanggang sa kamatayan.