Chapter 3: Chapter 1

Goal on the PitchWords: 6483

"Ingat po," mahina kong paalam nang makababa sa motor. Tinignan ko si Kuya Jaspi na kasalukuyang nakangiti sa akin.

Ang mga kamay niya ay nakahawak sa manibela at ang kaniyang mukha ay natatakpan ng suot na helmet. "Mag-enjoy ka, Isa." Kahit na maingay ang paligid at may suot siyang helmet ay nagawa ko pa ring intindihin ang sinabi niya.

Ngumiti ako nang maliit at bahagyang kumaway. Hindi naman nagtagal ay pinatakbo na niya ang motor at tinahak ang kahabaan ng kalsada. Nang mawala siya sa paningin ko ay hinarap ko ang eskuwelahan.

Nasa pasukan pa lang ako ng eskwelahan kung saan napakaraming estudyante ang nagsisipasukan. Nakakalula sa dami. Probinsya ang lugar dito pero marami pa ring estudyanteng pumapasok dito.

Hinawakan ko ang magkabilang strap ng bag ko at nagbuga ng hangin. Kaya ko ito.

Nagdesisyon akong sumabay sa alon ng karamihan. Pinili kong maglakad sa gilid dahil nag-uunahan ang mga nasa gitnang parte.

Pagkapasok ng paaralan ay dumiretso kaagad ako sa building ng HUMMS. Nanatili sa daan ang paningin ko habang naglalakad. Nang makarating sa classroom ay nadatnan ko ang mga kaklaseng nakaupo na. Iyong iba ay naglalagay pa ng make up sa mukha. May nakita pa akong mga bakanteng upuan kaya naisip kong wala pa ang iba.

Dumiretso ako sa upuan ko. Nilabas ko ang isang libro at inabala ang sarili sa pagbabasa. Wala naman kaming quiz ngayon kaya hindi ko kailangang mag-review.

"Iyan ba iyong libro ni Yellilee?"

Napatingin ako sa gilid ko nang magtanong ito tungkol sa librong binabasa ko. Nakaharap sa akin ang katawan niya at sumisilip pa sa librong nasa mesa ko. Muli siyang tumingin sa akin. "Hindi ba?"

Bahagya akong umiling. "I-ito nga iyon.." mahina kong sagot.

Tumango siya nang nakanguso. Humarap na siya sa kaibigan pagkatapos.

Ibinalik ko naman ang mga mata sa libro. Si Miss Yellilee ay isang manunulat sa isang writing platform. Kamakailan lang ay nag-trending ang mga kuwento niya kaya noong nag-publish na siya, nag-sold out agad iyon at naging top seller pa.

Mabilis kong sinara ang libro nang pumasok sa room namin ang guro namin sa unang subject. Nakita ko naman ang mabilis na pag-aayos ng mga kaklse ko ng mga gamit nila.

"Good morning," bati ng guro.

Tumayo kaming lahat at sabay-sabay na bumati. "Good morning, ma'am. Welcome to HUMMS 11-C."

Pagkaupo namin ay nagsimula na ang aming guro sa pagtuturo. Tumutok lang ako sa harap at masigasig na nagsusulat ng notes sa notebook ko.

Nang mag-ring ang bell ay nagsilabasan na ang mga kaklase ko. Binuhat ko muna ang bag ko bago lumabas. Hindi naman sa nag-aalala akong baka may mawala. May gagawin lang kasi ako.

Hinintay ko munang makaalis ang lahat sa room bago ako nagdesisyong lumabas. Sa gilid ng hallway lang ako naglalakad dahil hindi ako makasabay sa bilis ng iba. Para silang may gustong habulin.

Nang makapasok ako sa canteen ay kaagad kong nakita ang haba ng pila. Halos puno na rin ang lahat ng lamesa. Kahit na ayaw ko sanang sumabay sa iba sa pila ay wala naman akong pagpipilian. Kung maghihintay akong matapos ang lahat na bumili, baka tapos na ang lunch break no'n.

Tumayo ako sa hulian ng pila. Nilabas ko ang headset ko at sinalampak iyon sa tainga. Ayoko sa maingay na lugar gaya ng canteen pero ako ang may kailangan rito kaya mag-a-adjust ako.

Halos sampung minuto akong nakapila bago nakarating sa counter. Pinili ko lamang ang monggo bilang ulam ko. Nang makabayad, dumiretso na ako sa labas ng canteen. Medyo late na nag-dismiss ang guro namin kaya nahuli kami. Wala nang mauupuan. Kung meron man, kailangan pang maghanap.

Pagkalabas ko ay may ilang estudyante pa akong nakita. Naglakad lang ako ng ilang metro hanggang sa may makita akong bakanteng bench. Nagtungo ako roon at umupo. Nilagay ko ang bag sa gilid.

Halos walang estudyanteng napapadaan sa kinaroroonan ko at gudto ko iyon. Ayokong may nakakakita o nanonood sa akin habang kumakain ako.

Taimtim lang akong kumain hanggang sa matapos na ako. Sinuot kong muli ang bag ko at bumalik sa canteen. Halos walang pinagbago ang sitwasyon ng canteen. Marami pa ring estudyante ang kumakain habang ang pila naman ay hindi na ganoon kahaba tulad kanina.

Nang maibalik ko ang pinagkainan ay muli akong lumabas. Naglakad ako papunta sa bench na kinainan ko kanina at laking pasasalamat ko nang makitang wala namang nakaupo roon. Umupo ako at nilabas ang libro ko.

Habang nakasalampak pa rin ang headset sa tainga, binuklat ko ang libro kung nasaan ang bookmark na pinaglagyan ko kaninang umaga. Nagawa kong mag-focus sa binabasa dahil tahimik ang paligid. Wala naman akong pinapatugtog na musika sa headset kaya walang ingay. Ginagamit ko lang ito para hindi masyadong maingay ang paligid ko.

Tahimik akong nagbasa hanggang sa marinig ang pag-alarm ng cellphone ko. Nang makita kong fifteen minutes na lang ay magsisimula na ang panghapong klase namin, pinasok ko na ang libro sa bag at tumayo na.

Dahan-dahan ang naging paglalakad ko pabalik sa classroom. Wala pa masyadong estudyante sa palogid kaya perpekto ito para sa akin. Umupo ako sa upuan ko nang makapasok sa classroom. Muli kong nilabas ang libro ko at nagbasa.

Nakakaenganyo ang pagbabasa ng libro. Masyadong magulo at maingay ang mundo para sa katulad ko. Ang pagbabasa ang siyang nagiging sandigan ko. Wala akong kaibigan at wala rin masyadong kumakausap sa akin. Libro ang nagsisilbi kong kaibigan. Sa katunayan, puwede ko ngang sabihin na matalik na kaming magkaibigan ng mga libro.

Binalik ko ang libro sa bag nang pumasok na ang guro namin.

"Good afternoon."

Tumayo kaming lahat at sabay-sabay na bumati pabalik.

"Masaya ba kayo dahil second sem na?" tanong ni ma'am habang nag-aayos ng kaniyang mga gamit.

"Sana bakasyon na, ma'am!" rinig kong biro ng isa sa mga kaklase ko.

Maikling tumawa si ma'am. "Malapit na kayo riyan. Sa ngayon, may mag-we-welcome sa inyo ngayon bilang pag-uumpisa ng second sem."

"Sino po, ma'am? May new teacher?"

Nakita kong tumingin sa labas ng classroom ang mga kaklase ko kaya napatingin na lang rin ako roon. Wala namang tao ro'n.

"May practice teacher po bang darating?"

Kumunot ang noo ni ma'am bago umiling-iling. "Mali kayo. Anong sino? Ano." Diniinan niya ang pagkakasabi sa huling salita.

"'Ano'?" pag-uulit ng mga kaklase ko sa sinabi ni ma'am. "Ano pong 'ano', ma'am?"

"Ano sa tingin niyo?" Humarap sa amin si ma'am at ngumiti nang matamis. "Edi ang pinakahihintay niyong Practical Research."

Kaagad na umugong ang pagkadismaya ng mga kaklase ko. Kani-kaniya silang reklamo.

Narito na ang papatay sa amin...