Dumating na ang panahong pinakahihintay ng karamihan. Maraming umuuwi sa kanilang unang tahanan upang makasama ang pamilya. Ang iba naman ay mas pinipiling manatili sa kinalalagyan. Ang kakaiba at espesyal sa panahong ito? Malamig ang ihip ng panahon. Maganda siya sapagkat ang lamig na iyon ay walang kasamang bagyo...
"Guys," malakas na tawag sa amin ni Cleo. Nakatayo siya sa harapan ng aming klase at suot ang magaan at palakaibigang awra.
"Anong meron?" tanong kaagad ng aming mga kaklase.
"Suspended ba ang klase?"
Umismid si Cleo sa narinig. "May kailangan tayong gawin," pagtatama niya.
"Ano naman?"
Hindi ko inalis ang aking tingin sa kaniya at hinintay lamang ang mga susunod niyang sasabihin.
"Parating na ang Christmas, 'di ba? Ibig sabihin, it's the season on giving!" Sumayaw ang kaniyang mga kamay na tila ba nanginginig o may instrumentong ginagalaw. "Ang tanong! May gusto ba kayong ma-receive na regalo?" Ang paraan ng kaniyang pagsasalita ay parang isang host sa game show sa TV. Nakakaenganyo ngunit nakakakaba rin.
"Bakit? Bibigyan niyo ba kami?"
Humagikhik si Cleo at saka umiling. "Hindi, ah! Isusulat niyo ang mga gusto niyong matanggap ngayon para naman may idea ang mga gustong magregalo sa inyo, 'di ba?"
"Parang wish list?"
"Tumpak!" ngiting-ngiting sagot ni Cleo. Pumalatak pa siya ng daliri.
"Anong gagawin ro'n?" takang tanong ng kaklase namin.
"Ilalagay iyon sa gilid ng gymnasium," pagsasagot ni Cleo.
"Huh? Pa'no? Ididikit namin?"
Napaismid nang muli si Cleo. "Hindi. Iko-collect naman namin at kami na rin ang maglalagay. May isang linggo kayo para mag-isip at gawin iyan. Ilagay niyo na lahat ng gusto niyo kasi malay niyo, may taga-ibang grade o section palang magregalo sa inyo, 'di ba?"
"Paano kapag naka-display na pero may magbago?" kura ng isa pa naming kaklase na nakadekuwatro pa.
"Huwag mo nang alalahanin pa iyan," mapagpasensiyang sambit ni Cleo. "Student Council lang ang makakapasok ro'n kaya hindi iyon mapapabago."
"Pres!" Nagtaas ng kamay ang isa naming kaklase. Isa siya sa mga nasa ranking. "Mandatory ba 'to? Kailangan lahat may ilagay? Pa'no kung wala akong gustong matanggap?" May pagkarahas ang kaniyang boses ngunit normal lamang iyon. Lagi ko siyang naririnig tuwing recitation kaya alam kong hindi siya nang-aaway.
"You can leave your paper blank then," simpleng tugon ni Cleo.
Marami pang mga katanungan ang aming mga kaklase na sinagot ni Cleo. Ang akala ko ay hindi na sila matatapos sa pagtatanong dahil paulit-ulit lamang ang kanilang mga itinatanong.
"Anong nilagay mo sa 'yo?" tanong ni Kyle nang magsimula kaming kumain ng pananghalian.
Hindi kaagad ako nakasagot. Inalala ko muna kung ano ang aking mga inilagay. "Libro at saka mga school supplies lang," sagot ko. Sayang naman kasi kung ang ireregalo sa akin ay iyong hindi ko rin naman magagamit. "Kayo?"
"Pluck akin at sâ"
"Si June?" mabilis na pangunguna ni Kyle sa sinasabi ni Cleo.
Gumuhit ng isang linya ang mga kilay at labi ni Cleo. Dahan-dahan niyang hinarap si Kyle. "At ikaw naman si Isâ"
Hindi na naman niya natapos ang sinasabi nang pilit siyang sinubuan ni Kyle ng hotdog sa bibig.
"Favorite mo 'to, 'di ba?" nakangising tanong ni Kyle. "Enjoy your hotdog kiridog, Cleopatra."
"Ayos ka lang?" tanong ko kay Cleo at inabutan sa kaniya ang sarili niyang water bottle.
Nagdadalawang-isip kong tiningnan si Kyle. Hindi ako sigurado sa binabalak sabihin dahil baka isipin niyang nangengealam ako sa pagkakaibigan nila. "Kyle, ang sama no'n..." mahina kong bulalas.
Halos sabay sila ni Cleo na napatigil sa ginagawa. Nagtinginan sila nang ilang segundo bago bumalik sa akin.
"S-sorry," saad ni Kyle.
"Ayos lang iyon, Isa. Gano'n lang talaga kami," nakangiwing pang-aalo ni Cleo.
Nahulog ang aking tingin sa aking pagkain. Pinagpatuloy ko na lamang ang kumain. Ayokong isipin nilang nangengealam ako..
"Pero thank you."
Napaangat ako ng tingin kay Cleo.
Ngumiti siya nang matamis sa akin. "Salamat sa pagtatanggol sa akin."
"Isa."
Kay Kyle naman ako napatingin. "Medyo sumobra nga ako.." Bahagyang nakayuko ang kaniyang ulo at hindi siya makatingin nang diretso sa aking mga mata. "Sorry.."
Naramdaman ko na lamang ang pagkurba ng aking mga labi. Umangat ang aking mga pisngi at hindi ko iyon maitago. Ang kanilang mga sinabi.. Hindi nila iniisip na nangengealam ako. Pakiramdam ko nga, parte ako ng pagkakaibigan nila.
"Anong favorite flower mo?" tanong ni Kyle nang matapos kaming kumain at nagsimula na kaming mag-ayos ng mga pinagkainan.
"Gumamela," walang paligoy-ligoy na tugon ni Cleo.
Kinunutan ni Kyle si Cleo. "'Di ikaw, no. Si Isa," aniya at tumingin sa akin.
Kahit na hinfi ko alam kung bakit niya tinatanong ay sinagot ko pa rin siya. "Gusto ko ang Daisy."
Tumango siya at nagpatuloy na sa pagliligpit. "Nabili mo na ba iyong librong gusto mo?" tanong niyang muli.
"Hindi pa sapat ang ipon ko."
Nang matapos kaming makapagligpit at makapagpahinga ay naglakad na kami upang bumalik sa aming mga classroom. May mga nakakasalubong kaming mga estudyanteng mukhang kararating pa lamang. Medyo maaga pa naman.
"Gano'n mo ba talaga ako kamahal, Ibarra?" matamis na tanong ni Cleo at inakbayan ang kaibigan. "Ihahatid mo talaga ako sa room namin? Mami-miss mo ba ako kaagad?"
Nabuburyong tinanggal ni Kyle ang kamay ni Cleo. "In your dreams!"
"Nga pala..." Tumigil ako sa paglalakad nang marating ang harap ng aming building.
Pareho silang napalingon sa akin, napatigil na rin sa paglalakad.
"Ano iyon, Isa?" tanong ni Kyle.
"Kaarawan pala ng lola ko sa Sabado..." Hindi ko masabi ang nais sabihin. Pinaglaruan ko ang aking mga daliri na para bang doon ako makakahanap ng sasabihin. "Iniimbita niya kayo. Kung gusto niyo lang namang pumunta."
"Pupunta ako," sagot ni Cleo at nginitian ako.
Masiglang itinaas ni Kyle ang palad. "Present ako sa birthday ni lola," matamis niyang usal na para bang satili niyang lola ang pinag-uusapan. Ngumiti siya ng malapad. "Gusto kong makita't makasama si lola. Pati na rin ang apo niya..."