Chapter 25: Chapter 22

Goal on the PitchWords: 8275

"Isabelle!"

Napataas ang aking mga kilay nang may mga sumigaw sa aking pangalan. Nang tignan ko ang direksyon nila ay nakita kong halos lahat sa kanila ay kumakaway sa aking direksyon. Naramdaman ko tuloy ang tingin sa akin ng mga tao.

Binilisan ko ang aking paglalakad. Ramdam ko ang hindi komportableng pakiramdam mula sa tinginan ng ibang tao. Hindi ko matukoy kung nagtataka lamang sila at nais malaman kung anong nangyayari o kung hinuhugasan ba nila alam. Basta ang alam ko lamang ay ayoko ng mga tinging iyon.

"Buti nakarating ka!" masiglang pagsubong sa akin ni Patrick at inabutan pa ako ng dalawang mahahabang lobo na ang mga kulay ay magaang asul, tulad ng langit tuwing maaliwalas ang panahon.

"Hi, Isabelle!" Nakangiting kumaway sa akin si Abbie na katabi ang kaniyang nobyo na nakaakbay pa sa kaniya.

Pagtingin ko sa kanilang likuran ay nakita ko ang iba pang mga estudyante na galing siguro sa aming paaralan. Nakasuot silang lahat ng asul at may hawak ring mga asul na lobo.

"Isabelle!"

Muli akong napatingin sa aking tabi nang kalabitin ako ni Patrick. "Upo ka muna rito. Umalis sandali si Ck. Binilin ka niya sa 'min."

"Ah, hm." Tumango ako at umupo sa upuang itinuro niya. Sa linya ng pinakaharap na mga upuan iyon. Katabi ko ang ilan sa mga manlalaro na agad akong kinausap at tinanong ng kung ano-ano.

"Hindi ka ba nahahabaan sa pangalan mo?" tanong ni Vicente na nasa likuran ko. Humilig pa siya upang makita ako.

"Nahiya si Isabelle sa pangalan mo, Vicente," tugon ni James at pinalis ang mukha nito. Siya naman ang humarap sa akin. "Bakit naman Isa ang tawag ni Cm sa 'yo?" Ngumiti siya ng matamis at tiningnan ako nang naghihintay.

"Uh.." Nangapa ako ng isasagot ngunit hindi ko pa nagagawa iyon ay may nagtanong na naman.

"Anong tingin mo kay Kyle?" tanong ni Melvin. Tinaas at babahan pa nga niya ako ng kaniyang mga kilay.

"Tigilan niyo siya, guys!" rinig kong suway ni Abbie. "Kapag nakita kayo ni Ck, bugbog sarado kayo sa training niyo niyan."

Mabilis silang nag-ayusan ng upo at tindig, tila mga takot na kuting. Narinig ko naman ang maliit na paghalakhak ni Abbie sa likod.

Kahit na nalilito ay maliit akong napangiti. Ang hirap pala kapag maraming kumakausap sa iyo. Hindi mo alam kung kaninong tanong ang pakikinggan at unang sasagutin. Nakakalito at nakakasakit sa ulo.

"Isa!" Mula sa malayo ay kumaway nang todo si Kyle. Mayroon siyang hawak na towel roon sa kamay na gamit niyang kumaway.

Ngumiti ako pabalik at simpleng iwinagayway ang aking hawak na lobo.

Hating lakad at yakbo ang kaniyang ginawa. Umupo siya sa aking tabi at inilagay ang kaniyang bag sa katabing upuan. "Kanina ka pa?"

Nakangiti akong umiling. "Hindi masyado."

"Ayos ka lang rito? Gusto mong magpalit ng upuan?" Naglibot pa siya ng tingin sa aming likuran.

Mabilis akong umiling at napahawak sa kaniyang braso. Pareho kaming natigilan.  Parang may kung anong kuryenteng dumaloy sa akibg mga ugat kaya mabilis ko iyong binawi. Tumingin na lamang ako sa ibang direksyon.

"Uh, ano.." Bahagya akong napakagat sa loob ng aking labi. "A-ayos lang ako rito. At.." Hindi ako makabuo ng susunod na sasabihin dahil sa mabilis na pagkabog ng aking dibdib. Bumagsak ang aking mga mata sa aking kandungan. Doon ay aking pinaglaruan ang mga daliri.

Hindi ko maintindihan. May kung anong kumikiliti sa aking puso. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa kaba o may iba pa.

Umiling ako sa aking isipan. Ano bang iniisip ko? Syempre dahil sa kaba! Ilang minuto na lamang ay magsiismula na ang laro kaya paniguradong kaba lamang ang aking nararamdaman.

Malakas at halo-halong sigawan at hiyawan ang bumalot sa buong lugar nang tawagin ang mga maglalaro. Halos mabingi ako sa hiyawan ng mga estudyante sa aking likuran. Napatakip ako sa aking mga tainga nang may umupo sa tabi ko na napakalakas ng boses.

Nang tapunan ko siya ng tingin ay nakita ko si Abbie na sobra ang binibigay na boses. Sa lakas ng kaniyang boses, nagagawa ko pa rin iyong marinig kahit na mariin na ang pagtakip ko sa aking mga tainga. Baka mawalan siya ng boses bukas.

Pagkaraan ng ilang minuto ay humupa na rin ang ingay. Itinuon ko ang aking atensyon sa soccer field. Masyado akong nakapokus sa laro na hindi ko namalayang natapos na ito.

"Salamat sa pagpunta, Isabelle! Ikaw ang lucky charm namin," ngiting-ngiting saad ni Patrick. Sinalinan niya ng juice ang aking baso.

"Huwag mong sabihin iyan," malumanay kong pagtanggi. "Hindi kayo nanalo dahil sa suwerte. Nanalo kayo dahil ginalingan niyo at naghirap kayo."

"Huy!"

Pareho kaming napatingin kay James nang sitahin siya nito. Sumenyas siya gamit ang mga mata at ang kaniyang nguso.

Sinundan ko ng tingin ang direksyong itinuro niya at dumapo ang tingin ko kay Kyle sa aking tabi na abala sa carrot na kaniyang kinakain na nagmula sa menudo.

Napatikom ng labi si Patrick. Tila ba isa siyang asong bumaluktot ang buntot nang ilapag niya nang maingat ang mukhang mamahaling pitsel sa mesa. Nahihiya siyang ngumiti sa akin at nagpatuloy sa pagkain.

Ngumiti ako pabalik sa kaniya. "Salamat, Patrick." Dahan-dahan lamang ang aking pagkain. Hindi ko nga alam kung bakit ako nakikisalo sa kanilang hapunan eh, hindi naman ako kasali sa soccer team. Wala akong naging parte sa kanilang pagkapanalo.

"Masya akong malamang nasa mabuting kamay itong alaga naming si Ck."

Napatingin ako kay Ma'am Joyie nang magsalita siya. Napaka-astig niya sa mga mata ko. Mayroon siyang hindi mabilog ngunit hindi rin matulis na mukha. Malapad ang kaniyang mga panga ngunit bumagay roon ang kaniyang bagsak na buhok na hanggang sa kaniyang balikat.

Pagkalunok ay tumingin siya sa akin nang diretso. "Alagaan mo siyang mabuti, ha? Kahit maalaga iyan sa iba, minsan, hindi pa rin niya alam kung paano alagaan ang sarili." Para siyang ina na ipinagkakatiwala ang kaniyang anak. Pinatunog pa niya ang kaniyang dila.

"Po..?" naguguluhan kong tanong. Bahagyang umangat ang kaniyang mga kilay.

"Bakit?" Siya naman ang nagtaas ng mga kilay. "Hindi mo pa ba siya sinasagot?" umiiling niyang tanong.

"S-sagot po saan?" Wala talaga akong ideya sa kaniyang tanong.

Inilibot niya ang tanong sa kaniyang mga manlalaro.

Napatingin ako kay Kyle na nakangiwi na ngayon. "May tinanong ka ba sa akin?" mahina kong tanong.

Umiling siya nang hindi tinatanggal ang ngiwi sa kaniyang labi.

"Coach! Bakit mo pinapangunahan?" madramang tanong ni Patrick.

"Baka mausog, mag-jinx at maging sad boy bigla itong si Ck!" dugtong ni James. Sabay pa silang tumawa ni Patrick.

"Naku, hindi pa ba?" Malawak na ngumiwi si Ma'am Joyie. Pinaglapat pa niya ang mga palad at paulit-ulit na yumuko sa amin. "Sorry," paulit-ulit niyang sambit.

"Huwag po kayong mag-sorry," alo ko kahit na hindi ko talaga alam kung bakit siya nag-so-sorry.

Nakakapanibago kapag nakikipag-usap ako sa ibang tao. Ang dami kong hindi naiintindihan. Siguro dajil medyo mabagal lang maproseso sa akin ang mga nangyayari..

"Ano iyong sinasabi ni Ma'am Joyie kanina?" tanong ko kay Kyle nang bumaba kami ng tricycle sa tapat ng kanto. Hindi na kasi kakasya ang tricycle sa daan papunta sa aming munting tahanan.

"Huwag mo nang isipin iyon," tugon niya nang makapagbayad siya. Nagsimula na kaming maglakad. Hawak niya ang kaniyang cellphone na nakatapat sa aming dinaraanan. Mayroon namang mga ilaw ngunit hindi ko lang alam sa kaniya. "Madalas lang talaga nila akong pag-tripan."

"Talaga? Kinakawawa ka nila?" tanong ko. Bahagyang kumunot ang aking noo nang tingnan ko siya.

"Hindi sa ganoong paraan," natatawa niyang sagot. "Huwag kang mag-alala. Iyon lang talaga ang paraan nila para ipakitang mahal nila ako."

"Hindi ka ba nasasaktan?" Ibinalik ko ang tingin sa daan. Medyo nakakapagod ang araw na ito. Mahaba siya kumpara sa mga normal kong araw kung saan pumapasok ako sa paaralan at umuuwi pagkatapos.

"Hindi naman. Hindi naman masakit iyong mga pantitrip nila sa 'kin. Nakaka-ano lang."

"Ano?" Tumigil kami nang makarating sa harapan ng bahay. Hinarap ko siya.

Tumayo siya sa aking harapan. Ang kaniyang cellphone ay hindi na nakatutok sa daan.

Bahagya akong nakatingala sa kaniya at siya naman ay bahagyabg nakayuko. Ang kaniyang isang kamay ay nakahawak sa nag-iisang strap ng bag na kaniyang suot

Kontento siyang ngumiti. Yumuko pa siya at nang tumingin siya sa akin, mayroon nang mapaglarong ngiti sa kaniyang ngiti. "Nakakanerbyos lang."